Thursday, May 6, 2010

Sa Likod ng mga Masama at Baluktot na Hinuha (Behind the Dark and Unreasonable Assumptions)

Ang Modernong JR

Una sa lahat, kung ikaw ay Pilipino na HINDI mahal ang sariling bayan, HINDI kayang ipagmalaki ang lupang sinilangan at HINDI kayang ipagsigawang ikaw ay Pilipino, maaari ka nang tumigil at magtago sa maskara ng ibang lahing sa tingin mo ay angat sa sarili mo. Hindi ka kawalan sa bayan mo dahil isa ka lamang bagay na mas masangsang pa ang amoy kumpara sa bilasang isda, wika nga ng pambansang bayaning si Dr. jose Rizal. Ikalawa, base sa ginamit kong lagdang-pangalan, nililinaw ko na hindi ako purong makabayan ngunit ako’y nasyonalistiko. At ikatlo, isang paglilinaw sa nakaka-insultong pahayag ng kung sinong dayuhan na may galit sa mga Pilipino, hindi ako ng tipo ng lalaking nasa gulang ng pagbibinata na mahilig magparaos sa harap ng palabas na pornong gawa ng mga hapon na likha sa mga pantasyang karakter na kung tawagin ng mga may mataas na libido ay “hentai”.

Sino ang mabuti? Sino ang masama? Sino ang perpekto? Sino ang patapon ang buhay? Kung labanan ng birtud, moralidad, etiketa, disiplina, relihiyon at pagpapahalaga, talo ang ibang lahi ng mga Pilipino! Hindi likas sa mga Pilipino ang maging agresibo pagdating sa usapang seks o sekswalidad. Dahil ang sekswalidad, sa pagpapakahulugan ng mga tunay na Pilipino dito, ay ang buong pagkatao, kasama na ang bawat gawi, kilos, pakikihalubilo, libangan at iba pang aspeto kasama ang pag-ibig. Hindi sa lahing ito nagsimula ang iba pang kahulugan ng salitang sekswalidad. Kung tutuusin, ang nagpasimula nito’y mga dayuhan na ang tanging isip lang ay ang ligayang nahahatid nito sa kanila. Ngayon, sino ang mabuti? Sino ang masama?

Seks, seks, seks. Hindi naman talaga mulat ang mga Pilipino sa masama at mababaw na kahulugan nito. “Pagpaparaos” ang terminong mahihinuha ko sa kahulugan na ito ng salitang seks. Naririnig ko sa usapan ng mga kapwa ko Pilipino, na talaga namang nagbigay ng kurot sa aking puso, na ang Olongapo at iba pang lugar sa Pilipinas ay bagsakan ng mga Amerikanong sundalo at sa kadahilanang ito’y maraming Maria Clara ang handang ialay ang dangal at puri para lang maiahon ang kanilang buhay. Kasalanan ba nilang ginigipit sila ng mahinang sistema ng ekonomiya na kontrolado ng lahing pinagmulan ng mga taong sa tingin nila’y mag-aahon sa kanila sa kahirapan? Kahirapan na dulot ng ibang lahi? Hmmm… Ngayon, sino ang mabuti? Sino ang masama?

Ang kasagraduhan ng pagka-birhen ng isang babae ay pinaka-iingat-ingatan sa lahing Pilipino. Hindi na kailangan ng mga Pilipina ng “Chastity Belt” parang lang mapanatili ang pagka-birhen. Mataas ang disiplina ng mga Pilipino pagdating sa gawaing ginagawa lang pagkatapos ng basbas ng kasal at ang tanging kasama lamang ay ang asawang pinakamamahal niya. Panatag, buong loob, at ipagsisigawan kong hindi sa lahing Pilipino nagsimula ang seks bilang isang gawaing nangangahulugan lang ng pansariling kaligayahan na dulot ng demonyong tinatawag na “kawalan ng disiplina”. Hindi ko na babanggitin ang lahing nagsimula ng lahat, dahil ako’y isang Pilipinong may mahinahong damdamin na hindi gusto ng gulo. Ang kasalanan lang ng mga Pilipino, madali silang maniwala sa impormasyong nakukuha sa ‘di pa kilalang lugar.

Sa loob ng eksaktong 333 TAON ay NAPASAILALIM, INALIPUSTA, INABUSO at BINAGO ang mga Pilipino ng mga Kastila. Tignan mabuti, TATLONG DAAN TATLUMPU’T TATLONG TAON! Ilang buhay ko na kaya ang na-ulit pero nasa ilalim pa rin ang bansang Pilipinas sa mga Kastila. Ano aasahan mo, may katutubong kultura pa kaya na matitira? Pero dahil sa galing, husay at abilidad (hindi ‘yong tipong nanlalamang ng kapwa) ng mga Pilipino, may mangilan-ngilan pa ring katutubong tradisyon ang mga Pilipino. Nariyan pa din ang mga katutubong grupo tulad ng Ita, Igorot, T’boli at madami pang iba na hindi mo aakalaing mapapanatili pa sa loob ng 333 TAON na pagkakalupon sa lahing Pilipino.

Sa loob ng napakahabang panahon ng pighati ng mga Pilipino, pinilit ng mga Kastila na baguhin ang kulturang nakagisnan ng mga Pilipino. Bago pa man dumating ang ibang lahi, MAY SARILI NANG KULTURA ANG MGA PILIPINO. Kaya hindi maaaring sabihin na PILIPINO LANG ang mga Pilipino kundi kami ay PILIPINO! Mayroon nang sistema ng pagsulat ang mga Pilipino na ang tawag ay “Alibata”. Ngunit, maraming pagbabago ang ginawa ng mga Kastila sa katutubong kultura ng mga Pilipino. Isang halimbawa ay ang kautusang ginawa ni Gobernador Heneral Narciso Claveria na isalin sa Kastila ang mga apelyidong Pilipino tulad ng Dimakulangan. Konsepto ng Kultura? MERON! Ngunit hindi napagyabong dahil sa ibang lahing sapilitang nagbago nito.

Minsan, iniisip ko, kung hindi kaya nasakop ng ibang lahi ang ating bansa, magiging mas maganda kaya ang reputasyon natin sa mundo ngayon? Sa palagay ko, OO ang sagot sa tanong kong ‘yon. Mistulan tayong mga inosenteng bata na hindi mulat sa mga makamundong kasamaan bago pa man dumating ang ibang lahi. Siguro wala sa ating mga Pilipino ang mali. Siguro, mali lang ang pagkakaintindi sa atin o kaya nama’y madumi lang ang utak ng ibang lahing nag-iisip nang ganoon sa atin. Nadoon lang naman iyon sa dalawang rason na iyon. Iniisip ko, kung hindi tayo namulat sa mga masasamang banyagang kaisipan, siguro mas maganda ang pulitika natin ngayon, mas malinis, mas matapat. Hirap sa atin mabilis tayo magpa-uto sa kung ano ang pinapalabas ng ibang lahi na tama at magaling, sunod naman tayo na parang aso. Oo, hindi mahahalintulad ang Pilipinas sa iba pang bansang Asyano katulad ng bansang Hapon, Tsina, Korea, Taiwan, Malaysia, Singapore at iba pang nakakaangat na bansa. Oo, “Thirld World Country” ang taguri sa ating bayan. Pero alam ko na kayang lagpasan ang bahagdan na ‘yon ng mga Pilipino. HINDI BOBO, HINDI TANGA, AT LALONG HINDI INUTIL ang mga Pilipino! KONTROLADO lang tayo! KONTROLADO ng mga kaisipang hindi nanggaling o namutawi man lang sa isip ng mga totoong Pilipino. Ngayon, sino ang mabuti? Sino ang masama?

Jimmu Tenno ng bansang Hapon, George Washington ng Estados Unidos, Simon Bolivar ng Venezuela, Jose de San Martin ng Argentina, Bernard O’ Higgins ng Chile, Napoleon I at Joan of Arc ng Pransya, Abdul Haris Nasution ng Indonesia at Arminius o Hermann ng Alemanya: lahat sila’y may pagkakahalintulad sa isa’t isa. Ang lahat ng mga nabanggit ay mga pambansang bayani ng kani-kanilang mga bansa. At lahat sila, parte ng militar. Si Kapita-pitagang Dr. Jose Rizal naman ang sa bansang Pilipinas. Malaki at kapuna-puna ang kaibahan niya sa mga nabanggit na pambansang bayani. Siya ay may MAPAYAPANG DAMDAMIN. Lumalabas na hindi likas sa mga Pilipino, kahit na anong grupo, kahit saang lugar man nagmula sa Pilipinas, ang pagiging mapusok sa pakikipaglaban ang mga Pilipino. Hindi sa nangungutya ako ng ibang lahi na lantaran naman nilang ginagawa sa aking lahi, masasabi kong SWERTE lamang ang nagpapanalo sa mga bayani ng ibang lahi. Kung aasahan ang pisikal na lakas, kalahati lang ang tiyansang magwawagi ang iyong panig. Ngunit halintulad kay Rizal, talino, disiplina, sipag at tiyaga, pagtiis at matayog na pagmamahal sa bayan, malaki ang tiyansang magwawagi ang iyong panig.

Isa lamang ito sa mga isusulat kong paglilinaw sa lahing Pilipino. Salamat sa librong nabasa ko na akda ng isa sa mga pinakahahangaan kong may-akda, na siya ring idolo ko sa pagbibigay katwiran sa lahing pareho naming kinalakhan. Kahit ang tunog ng kanyang apelyido ay intsik, nagpapasalamat ako sa kanya dahil sa kanyang mga gawang akdang talagang nakapapamulat ng mata sa kamalian ng mga Pilipino, sa mga walang pakundangang opinyon ng ibang lahi sa lahing Pilipino at sa pagkakaroon ng istilong pangkabataan na talaga namang umaabot sa dapat nitong patunguhan. Ngunit, ang hiling ko lang, sana ay matamaan ang mga kabataang mambabasa ng kanyang mga libro, kumilos para sa bayan, mahalin ang sariling lahi at maging isang produktibo at hindi depektibong mamamayan ng bayan.

At sana, sa mga makakabasa nito, magkaroon sana ng linaw ang lahat ng mga miskonsepsyon patungkol sa mga Pilipino. Isa pa lamang ito sa mga gawang isusulat ko, madami pa. Madami pang hindi nakakaalam ng lahing Pilipino na nagmimistulang mangmang dahil sa pang-iinsulto dito. Ang lahing Pilipino ay HINDI MABABA, HINDI PARAUSAN, HINDI DAPAT TAPAK-TAPAKAN, HINDI DAPAT YURAKAN dahil isang INUTIL at MANGMANG lamang ang magtatangkang insultuhin ang lahing hindi pa ganoon kakilala ng mundo. Ang mga Pilipino ay parang hilaw na diamante, lalabas lamang ang kinang kapag nalinang nang husto at tama.

No comments:

Post a Comment