Ang Modernong JR
Habang sinusulat ko ito, ang telebisyon ay walang tigil sa pag-uulat tungkol sa eleksyon. Ngayon kasi ang araw ng pagboto ng mga kapwa ko Pilipino (May 10, 2010). Sinasabi na medyo matagumpay ang kontrobersyal na “automated election” o ‘yong tipong “high-tech” na pagboto na magbibigay ng mabilis na resulta kung sino ang mananalong kandidato sa iba’t-ibang pwesto sa gobyerno. Dalawang araw para sa mga pambansang pwesto at sampung oras naman para sa lokal na sangay. May mga nai-ulat din na mga konting aberya sa mga makinaryang ginagamit ngunit, sa awa at tulong ng D’yos, ay nagagawan at ginagawan naman ng paraan.
Maganda ang paglalahad ng balita dahil kalat, mula Luzon hanggang Mindanao, ay may mga nag-uulat sa mga nagaganap sa halalan sa lahat ng sulok ng Pilipinas. Maganda din ang mga preparasyon sa nasabing pangyayari dahil lahat ay nasa mahigpit at sistemadong seguridad. Ngunit, ang inaalala ko, may mga dayuhang nagbabantay sa nagaganap na eleksyon. Ang tanong: Bakit kailangang may mga dayuhan sa halalan ng mga Pilipino? Medyo nagdududa ako sa layunin nila sa pagbabantay ng eleksyon…
“We’re here to watch and observe how the new system of election will turn out… If something bad is going to happen, we’re going to document it!”
Bakit? Para san ang pagtatala ng mga maling pangyayari sa eleksyon? Iyon lang ba ang dahil kung bakit naroon sila? Para kapag may palpak na naganap sa halalan ng mga Pilipino ay maihayag nila sa iba pang bansa? Mas ikatutuwa ko kung seguridad nalang ang kanilang magiging kontribusyon o ‘di kaya’y huwag nalang sila makigulo.
Problema din daw ang mga pangalang mahirap hanapin sa bawat persinto. Pero may paraan para mas mapadali ang paghahanap, ito ay sa tulong ng “internet”. Talagang angat na ang paraan ng eleksyon ng mga Pilipino!
“Kinakabahan na siguro ang mga pulitikong ‘yan sa kung sino sa kanila ang mananalo sa pwestong pilit nilang pinag-aagawan.” pangiting sambit ng aking mahal na nanay. Bigla tuloy pumasok sa isipan ko ang mga kakatwang imahe ng mga kandidato na nakaluhod at nagdarasal na sana’y sila ang manalo. Nitong agahan, habang kumakain, natigilan ako bigla. Naisip ko ang hiling ko sa araw na iyon: sana’y dinggin ng Panginoon ang dasal ng taong may dalisay na intension para sa bayan. At sana ay magkaroon siya ng lakas at talino para mapa-unlad ang bayan ng mga Pilipino. Medyo nalulungkot din ako dahil wala sa bahay ng buong araw ang aking ina dahil siya’y parte ng mga nangangasiwa sa halalan.
“May topak talaga ang COMELEC! Matagal nang tapos ang submission ng certificate of candidacy pero meron pa ring nagiging last-minute candidates!”
Tama ang sinabi ng aking nanay. Isang halimbawa nito ay ang mga asawa ng mga pulitikong humahalili sa kanila sa pagtakbo sa iba’t-ibang kadahilanan. May isang kandidato sa pagiging gobernador ang inatake sa puso ilang araw bago ang halalan. Dahil dito’y ipinalit ang kanyang asawang tumtakbo naman sa pagiging alkalde sa parehong probinsya. Bakit kailangang humalili ang kanyang asawa kahit hindi naman ito nakapagbigay ng balidasyon sa ganoong pwesto? Isa pa, may isa namang aktor ang tumtakbo ngunit hindi napagbigyan at nadiskwalipikado kaya ang ipinalit niya ay ang kanyang asawa na isang ding aktres. Bakit? Bakit kailangang may papalit sa bakanteng pwesto ng pagiging kandidato kahit labag na sa batas? At bakit hinahayaan lang ito ng isang partikular na sangay ng pamahalaan?
“Madumi na talaga ang pulitika sa bansa, nakakahiya.”
Masakit na mga salita, kasi totoo; pero sana ay kayanin ng mga Pilipino na hind imaging ganoon ang kasalukuyang eleksyon at ang magiging bagong administrasyon.
Nakakatawa tignan ang magiging dating pangulo na bumoto sa taong papalit sa kanya sa pwesto. Nanggaling pa ito sa kalapit na simbahan bago bumoto sa kanyang presinto. Hipokrasiya. Pero paglilinaw, wala akong personal na galit sa kanya.
Nakakagalak ang itsura ng mga Pilipinong masayang tinitignan ang kanilang mga balota habang binibilang ng makinarya ang kanilang mga boto. Ang mga ngiting iyon ay nangangahulugan ng bagong pag-asang parating para sa kanila. Masaya ako, kahit samurang edad, dahil ang mga Pilipino ay ginagamit ang kanilang karapatan na bumoto para makamit ang pagbabagong inaasam-asam nila. Ngunit, dapat nating malaman na ang pagbabago ay magsisimula sa ating mga sarili. Kung ika’y magiging bahagi ng mabuting pagbabago, mababawas ka na sa mga taong walang pakialam sa pag-unlad. Ang bawat boto ng mga Pilipino ay aprang bloke na bumubuo ng isang bahay na kanilang magiging sandigan sa loob ng anim na taon. Nawa’y maging isang mabuti at maaasahang haligi ang magiging “bahay” na ito para sa mga Pilipino.
Nagmimistulang musika sa akin ang mga ulat tungkol sa eleksyon dahil walang masyadong problema ang naiuulat pa. Naiuulat pa? Sana’y walang maling nota ang marinig ng aking mga tenga. Nagmimistulang magandang larawan naman ang mga eksena na kung saan ang mga Pilipino ay bumoboto na may ngiti sa kanilang mga labi. Sana’y walang matapong pintura sa magandang larawan na ito.
Ayoko nang pag-usapan pa ang mga kapalpakan na nangyari bago pa ang araw na ito. Ang mahalaga’y naging matagumpay ang paglulunsad ng pangyayaring ito na makakagawa ng malaking pagbabago sa buhay ng mga Pilipino.
“This is the day that the Lord has made!”
Sambulat ng aking ina nang kami’y magising nang alas-dos y medya ng madaling araw. Natawa nalang ako. Ngunit, kalakip ng tawang iyon ay ang panalanging sana ay magkatotoo ang sainabing iyon ng aking Nanay. Sana ay ipagkaloob ng Maykapal ang isang taong magiging karapat-dapat na paglingkuran ang baying Pilipinas.
Walang karapatang magreklamo ang hindi gumagamit ng kanilang karaptan na bumoto. Kung ako’y nasa hustong gulang lang sana, ako’y lalabas ngayong araw at iboboto ko ang sa tingin ko’y karapat-dapat. Dahil alam ko na ang bawat panig ng lahat ng Pilipino na may kinalaman sa halalan ay lubhang mahalaga at kritikal.
No comments:
Post a Comment