Nabigo nanaman siya. ‘Yon ang nasa isip niya habang naririnig niya sa pasilyo ang umaalingawngaw na mga hikbi at iyak ng mga naulilang pamilya ng kanyang pasyenteng nilamon na ng malubha nitong sakit. Isang napaka-lungkot na gabi para kay Dr. Harry Sallas.
“Dok! Ginawa niyo ho ba ang makakaya niyo?! Bakit namatay ang nanay ko?!” paninisi ng isa sa mga anak na lalaki ng pasyente na inaawat naman ng kanyang nakakatandang kapatid.
“Naiintindihan kita. Pero masyado nang malala ang sakit niya na hindi na kayang isalba pa kahit ng surgery. Alam ko –“ hindi pa siya natatapos nang maramdaman niya ang isang biglaang suntok na nagmula sa nanggagalaiting anak. Sumugod naman agad ang mga security guards at dinampot palabas ang nagwawalang lalaki.
Wala na siyang ibang nagawa kundi ang tumayo sa pagkakadapa at yumuko sa harap ng mga naulilang kaanak.
“I’m sorry… Hindi ko nagawa ang obligasyon ko bilang doktor niya…” naramdaman niya ang isang tapik na nagmula sa taong kilala niya. Ang kanilang head doctor na si Dr. Ramon Custodio.
“Hindi mo kasalanan ‘yon, anak. Nabasa ko ang medical record ng pasyenteng ‘yon at napakalala na ng kanyang sakit. sabi nito sa kanya.
“Pero, dapat ay ginawa ko pa rin ang lahat para maligtas siya! Gawain ko po ‘yon bilang doktor.” sagot niya sa marahang sagot ng matandang doktor.
“Ginawa mo ang lahat at natapos na ang parte mo. Hindi mo dapat pinapasan ang krus ng iba, anak.” hindi na nakasagot pa ang binatang doktor at umalis na ang kanyang tinuturing na ama sa loob ng ospital.
Pag-uwi sa bahay ay dala-dala pa rin niya ang problema. Hindi siya makapagbigay atensyon sa daan habang nagmamaneho na muntikan na siyang mabangga sa isa pang paparating na sasakyan. Ngunit, salamat sa D’yos, naka-uwi naman siya ng ligtas. Naabutan niya sa kanyang condo ang girlfriend niyang si Cyriel Mendoza.
“Honey? Bakit ka nandito? ‘Di ba may presentation ka pa bukas?” tanong niya dahil sa pagtataka.
“Nahanda ko na ang mga materials ko for the presentation tomorrow. Maaga ko nga natapos kaya nagpasiya akong pumunta dito para paghandaan ka ng dinner. You like pasta, right?” sagot ng babae.
“Salamat, honey,” at tinignan ang nilutong pagkain ng kasintahan “Wow! Mukhang masarap nga! Ang galing talaga ng honey ko…” sabay halik sa pisngi ng kasintahan.
“Anong mukha! Masarap talaga ‘yan! Ginawa ko kaya ‘yan para sa’yo!” sabay tinidor sa plato na may pasta at sinubo sa kasintahan.
“Bumili din pala ako ng wine para sa atin. Oo ngapla, honey, dito na ko matutulog ha?” tanong niya.
“Oo naman! Gabi na! Baka mapano ka pa kapag ngayon ka umuwi. Matutulog din tayo ng maaga para makapaghanda ka para sa sarili mo para sa presentation mo bukas.” sagot naman nito.
“Ang sweet naman. O sige, kumain ka na para makatulog na tayo.”
Kinabukasan, pumasok na si Harry sa ospital at nakasalubong niya sa pasilyo si Dr. Custodio.
“Good morning, Dr. Custodio!” bati nito sa ama-amahan.
“Good to see you better, Harry. Anyway, come to my office. May bago kang pasyente na aalagaan. Alam kong gugustuhin mo s’yang gamutin.”
Pagdating sa office ay binigay na ni Dr. Custodio ang medical record ng bagong pasyente na kanyang gagamutin. Hannah Versal, 21 yrs. old, single, disease: Cervical Cancer. Napatingin siya sa doktor, halata ang lungkot at pagka-bigla sa mukha niya.
“Alam kong gusto mong pagalingin ang taong iyan. Kapareho pa naman siya ng pasyente mo kagabi. Don’t worry; her stage is not yet malignant. Magagamot pa ang sakit niya.” sabi agad ng doktor sa kanya.
“I will make her recover this time.” lumabas agad siya ng pinto para puntahan ang pasyente.
Room 408, napakalayong lugar pero sinikap pa rin niyang pumunta doon kaagad. Napatigil siya sa harap ng pinto at napabuntong-hininga. Binuksan niya ang pinto at nakita doon ang isang babaeng may napakaganda at napakaaliwalas na mukha. Hindi makikita sa itsura niya na mayroon siyang nakamamatay na sakit. Binati siya nito ng buong enerhiya.
“Dok Harry Sallas? Good morning!” bati ng dalaga.
“Good morning, Ms. Versal. Masaya ako’t napakasigla mo.” pangiting tugon niya.
“Hannah nalang! Mas sanay akong tawagin sa first name ko. Pwede ba kitang tawaging Harry nalang para mas komportable akong kausapin ka?” tanong niya na may konting pagkahiya.
“O-Oo naman. Sige Hannah, kapag may kailangan ka, tawagin mo lang ang mga nurse at kapag may nararamdaman kang sakit sa katawan, ipatawag mo ako agad, ok?” paalala niya sa pasyente.
“Salamat, Harry.” siya’y ngumiti.
“O sige. Pupuntahan ko muna ang iba ko pang mga pasyente. Magpahinga ka maigi, Hannah.” sabay bukas ng pinto.
“Ok. Maraming salamat sa’yo.” si Harry ay lumabas na ng pinto pagkasagot ni Hannah.
Habang naglalakad sa pasilyo ay naaalala pa rin niya ang masayahing katauhan ni Hannah. Pala-ngiti, may buhay, at bibo. Nakakatuwang isipin na maganda pa rin ang tingin niya sa buhay. Nakakalungkot dahil sa taong tulad pa niya dumapo ang sakit na iyon.
Nang sumunod na araw, dinalaw niya agad si Hannah. Nakahiga ito paharap sa kabilang dako ng kama. Napangiti siya’t binati ang pasyente.
“Good morning, Hannah.” napansin niyang hindi kumikibo ang dalaga kaya pumunta siya sa dako na nakaharap sa mukha nito. Nakita niyang parang may sakit itong iniinda.
“Hannah?! Hannah?! Sumagot ka!” niyugyog pa niya ang dalaga para makasiguro. Biglang bumukas ang mga mata nito at kumunot ang noo na tila naudlot ang tulog.
“Harry?! Bakit mo ko ginigising? Inaantok pa ko eh…” sabay pumusisyon pa upo. Namula ang mukha ni Harry dahil sa pagka-pahiya at nag-isip ng alibi.
“Ano kasi? Ummm… Itatanong ko lang kung nabigyan ka na ba ng gamot. Kasi mahalaga ‘yon.” sagot niya na umuutal-utal pa.
“Aaah… Oo nabigyan na ko. May ibibigay nga pala ako sa’yo.” sabay abot sa isang syringe na may lamang makukulay na bituing-papel.
“Ano ‘to? Ginawa mo?” tanong niya.
“Oo. Wala kasi akong ibang maisip gawin na ibibigay sa’yo kaya gumawa nalang ako nito. ‘Wag kang mag-alala, hinugasan ko muna ang syringe at tinanggal ang karayom bago ko nilagyan ng mga bituin-papel.” sagot niya.
“Para saan naman? Bakit mo ko gustong bigyan ng ganito?”
“Ikaw lang kasi ang doktor na naging mabuti sa akin. ‘Yong iba, halos ‘di na ngumiti, ‘yong iba suplado. Ikaw lang ‘yong mukhang may concern talaga sa mga pasyente niya. Dahil do’n maraming salamat.” at tinanggap na ng doktor ang munting regalo ni Hannah. Naglakad ito papalapit sa pinto at bago lumabas ay tinignan muna niya ang regalo sa kanyang kamay at binigyan ng ngiti ang pasyente. Nagpagalak naman ito sa puso ng dalaga.
Habang naka-upo sa mesa sa kanyang opisina, kinuha niya ang regalo sa kanya ng kanyang pinakamasayahing pasyente. Binuksan niya ito at nagtaka kung paano ginawa ang mga bituing papel sa loob. Kumuha siya ng isang piraso at tinanggal ang pagkakatupi nito. Nagulat siya dahil may nakasulat pala sa loob ng tinuping papel na ‘yon. Maraming salamat, Dr. Harry Sallas! Hindi na niya tinangka pang buksan ang iba dahil baka masira lang niya at hindi na maibalik pa sa dati nitong hugis.
Biglang may nurse na dumating sa kanyang opisina at mukhang nagmamadali ito. Natataranta nitong sinabi sa doktor ang masamang pangyayari.
“Doc, si Hannah Versal po ng Room 408, inaatake po ng sakit niya.” agad silang tumakbo papunta sa kuwarto at agad gumawa ng paraan.
“Nurse, kumuha ka ng gamot niya, low dosage lang. Bilisan mo!” at tumakbo sa sobrang taranta ang nurse. Nasasaktan siya sa bawat daing na ginagawa ni Hannah dahil sa sakit na kanyang nararamdaman.
“Hannah, hold on tight! Maya-maya lang dadating na ang gamot mo.” sabi niya sa dalaga habang hawak nito ang kamay.
Pagkalipas ng ilang minuto, nawala na ang sakit na nararamdaman niya at bumalik na ang kanyang sigla. Nawala na din ang kaba sa mukha ni Harry. Nilapitan niya ang pasyente at hinawakan ito sa kamay.
“Mabuti na ba pakiramdam mo?” tanong ng doktor.
“Maraming salamat sa’yo, Harry. Talagang inaalagaan mo ko…” sabi niya.
“Trabaho ko ‘yon bilang doktor mo. Gusto ko lang magampanan iyon ng maayos.”
“Hindi na trabaho ang tingin mo sa pagiging doktor. Sa sobrang sipag mo, hindi ko na aakalaing trabaho pa ang tingin mo dito.”
“Siguro tama ka d’yan. Gusto ko lang magligtas ng buhay ng tao. ‘Yon lang.”
“Pwede bang magtanong sa’yo?”
“Oo naman. Ano ‘yon?”
“May girlfriend ka na ba?” tanong niya na may halong hiya.
“Meron. Cyrile ang pangalan niya… Mula high school magkaibigan na kami… Hanggang sa kami na ang nagkatuluyan… Masaya ako kasi siya ang lahat-lahat sa akin… Palagay ko nga siya na ang magiging asawa ko eh… Mabait siya, magaling sa buhay, maaruga –“ hindi pa siya tapos magsalita ng bigla siyang tinigil ni Hannah.
“Mabuti kung gano’n! Masaya ako para sa’yo. Harry, magpapahinga muna ako…” sabay higa ng patagilid sa kama.
“Kung ‘yan ang gusto mo. Magpahinga kang mabuti ha?” at siya’y lumabas na sa kuwarto. Humigpit ang hawak ni Hannah sa kanyang unan at may likidong tumulo at bumasa dito.
Isang araw, pinuntahan ni Harry si Hannah ng mas maaga kumpara sa nakagawian nito. Nagulat ang dalaga dahil naabutan pa siyang gumagawa ng isa pang syringe na may bituing-papel sa loob.
“Aha! At naabutan din kitang gumagawa niyan!” sambulat niya.
“Ano ka ba, Harry? Ginugulat mo naman ako!” sabay lapag sa gunting at papel na nasa kamay.
“Pwede mo ba kong turuan niyan? Nagtataka kasi ako kung paano mo ginagawa ang mga magaganda at makukulay na bituing-papel sa loob ng mga syringe.” pakiusap ng doktor.
“Oo naman! Madali lang ‘to! Nasa pagtutupi, paggugupit at konting pisil para humugis bituin lang ng papel ang sikreto para makagawa ng magandang bituing-papel.” sagot naman ni Hannah. Lumipas ang oras na tinuturuan ni Hannah si Harry ng paggawa ng mga bituing-papel.
Kinagabihan, nagpasya si Harry na gawan ang dalaga ng mga makukulay na bituing-papel at ilalagay niya ito sa isang magandang bote.
“Ano ‘yang ginagawa mo, honey?” tanong ni Cyrile.
“Mga bituing-papel na ginagawa sa pamamagitan ng pagtutupi. May pagbibigyan lang ako.” sagot naman niya agad sa kasintahan.
“Kanino naman?”
“Sa isa sa mga pasyente ko. Bata kasi kaya gusto ko siyang maging masaya dahil sa pagtingin sa mga makukulay na bituing-papel na ‘to sa loob ng bote.”
“Alam mo, hindi na trabaho tingin mo sa pagiging doktor. Higit na do’n. Sa sobrang sipag mo, dapat ka nang parangalan eh.” nagulat si Harry dahil iyon ay mga salitang una niyang narinig kay Hannah.
“Off mo pala bukas no? Kaso sorry, honey. May pasok ako bukas kaya hindi kita masasamahan dito.”
“Ayos lang, honey. Isa pa, tatapusin ko ito bukas para sa makalawa, mabigay ko na sa pasyente ko.” sagot agad nito.
“Hindi na kita ilalayo pa sa trabaho mo. D’yan ka masaya kaya hahayaan na kita. Pero huwag mong aabusuhin sarili mo ha? Matulog na tayo.” sabay hawak sa braso ng kasintahan.
Pagkagising niya kinabukasan ay wala na si Cyrile. Umupo siya sa harap ng mesa at tinuloy ang paggawa ng mga makukulay na bituing-papel para kay Hannah. Naisip niyang tumawag kay Dr. Custodio para kamustahin si Hannah.
“Good morning, doc! Kamusta na si Hannah Versal ng Room 408?”
“Maayos na ang lagay niya. Mas mabuti na daw pakiramdam niya ‘di tulad ng dati. I’m glad she’s recovering well.” sagot ng doktor.
“Pwede po bang ikonekta mo ko sa kanya ngayon?” tanong niya.
“Oo naman, anak. Saglit lang.” dumaan ang kaunting minute at biglang may boses ng babae na siyang narinig sa kabilang linya.
“Hannah?” sabi niya
“Dok Harry? Bakit napatawag ka at gusto mo kong makausap?” tanong ng dalaga.
“Gusto lang kita kamustahin. Maayos ba pakiramdam mo? Napainom ka na ba ng gamot?” sunod-sunod ang tanong niya.
“Maayos lang ako, Doc. Basta puntahan mo agad ako dito bukas ha? May ibibigay ako sa’yong bagong syringe. Importante ang mensahe no’n kaya dapat makita mo…” sagot niya.
“Oo naman, basta hintayin mo-!” narinig niyang naputol na ang kabilang linya. Nagtaka siya bigla. Dahil dito, nasabi niya sa sarili niya na pupunta siya ng maaga sa ospital para makita agad si Hannah.
Dumating na ang kinabukasan at nagmamadali siyang pumasok sa ospital. Dala-dala niya ang bote na punung-puno ng mga makukulay na bituing-papel. Pagbukas niya ng pinto ay nagulat siya sa paligid. Wala doon si Hannah at nakaayos na ang kama. Sa pagtataka’y naghanap agad siya ng matatanungan. Nakita niya sa pasilyo si Dr. Custodio.
“Doc! Magandang umaga! Nasaan si Hannah Versal? Fully-recovered na ba siya? Nilabas na ba siya ng ospital?” tanong niya na nagmamadaling kumuha ng sagot.
“She didn’t make it…” sagot ng matandang doktor na bakas sa mukha ang kalungkutan.
“She didn’t make it? Anong ibig niyong sabihin, doc?” bakas na ang pagaalala sa mukha niya.
“Kahapon, after your call, biglang sinumpong ng sakit si Hannah. Hindi niya sinasabi pero unbearable na pala ang sakit na nararamdaman niya. Hanggang sa nakuha na siya ng sakit niya, kahapon, 11:10 am…” nahulog ni Harry ang bote ng mga bituing-papel at kumalat sa pasilyo ang mga ito. Napaluhod siya sa sobrang sakit na nararamdaman sa kanyang puso at lumuha.
“Nakita namin ito na hawak-hawak niya nang makita namin siya. Alam kong para sa’yo ito.” inabot ni Dr. Custodio ang isang syringe na may lamang nag-iisang bituing-papel. Kinuha ito ni Harry at binuksan. Lalo siyang napaluha sa mga katagang nabasa niya dito.
“Mahal kita… ngunit kailangan ko nang magpaalam…”
The End
written: May 24, 2010
lopik
ReplyDeletekaw ba gumawa nito raf ???
ReplyDeleteyup yup~!
ReplyDelete